Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pusang Tahimik Jan 2023
Isa marahil sa libu-libong isda sa karagatan
Ang maigting na pumipili ng pain sa kawalan
Sa takot na baka ibalik lamang sa karamihan
Sapagkat ang nais ay di na pakawalan

Ang uri ay hindi maihahambing kaninoman
Tila nagiisang premyo sa makahuli na sinoman
At isang beses nya lamang matitikman
Ang tunay na tagumpay ng hamon ng karagatan

Sumisisid nga ng husto pailalim
Hinahanap kung may butas pang susuungin
Takot na takot na baka mapain
Ang isdang nasanay nang nasa ilalim

Kailan kaya susubukang umangat
At matutong sa pain ay kumagat?
Makatagpo nang mangingisdang tapat
At kung mahuli sa kanya ikaw na ay sapat.
-JGA
Nagsimula na ang bilang mo,
Isa, dalawa, tatlo,
Nagsimula na ang aking pagtakbo,
Apat, lima, anim,
Nagtago na ako mula sayo,
Pito,walo,siyam,
Napakadami na ng aking hinakbang papunta sa dilim,
Takot man ako sa mga nilalang ng kadiliman,
Handa akong tumakbo papunta rito,
Basta’t makalayo lamang sayo.

Hindi ko na narinig ang pagtatapos ng iyong pagbibilang,
Hindi ko alam kung sino na sa atin ang nagtatago’t naghahanap,
Patapos na ba ang ating laro?
Kaya’t uuwi ka na lamang, at magpapahinga sa bahay niyo?
Lumalalim na ang gabi,
Natatanglawan na tayo ng mga bituin,
At mga alitaptap na tila kumikislap ang mga pakpak,
Ikaw ba’y naglalakad palayo sa akin?
O ako ba ay tumatakbo lamang paalis?

Gabing gabi na,
Tayo pa rin ay nagtataguan sa ilalim ng buwan,
Maglalakad na ako mula dito sa aking taguan,
Papunta sa iyong tahanan,
Wala na akong pakialam,
Kung ako man ay mataya o di kaya’y madapa,
Basta’t matapos na ang ating taguan,
At pagkakita ko sayo,
Sa dati **** pwesto,
Natapos ang iyong pagbibilang,
Sampu, narito na ako, nahanap na kita,
Hindi pala ikaw ang taya,
Aking mga mata lamang pala ay dinadaya,
Natapos din ang ating taguan,
Nahanap na kita, nahanap mo na ba ako?

— The End —