Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pusang Tahimik Mar 2023
Dumating ka sa araw na di ko inaasahan
Waring bagyong malakas na dumaraan
Ang lahat sa akin ay dinadaanan
At walang bakas na hindi mo iniwanan

Sayo lamang ako nag bukas ng aklat
At pinakita ang aking mga sinulat
Ikaw na yata ang maglalagay ng pamagat
At mag tutuldok pagkatapos ng lahat

Sana'y hindi kana umalis
Sawa na akong mag walis
Nang kalat sa tuwing naiinis
Kapag ako'y naghihinagpis

Kaya sa aking bagyong natagpuan
Buhumos ka ng walang katapusan
Lunurin mo ako ng tuluyan
Sa desyertong mundong kinagisnan
JGA
Faye Nov 2020
Ang ulan ang tanging makakapagsabi
Na ikaw lang ang aking iniibig
Ito rin ang tanging nakakasaksi
Sa ating lubos na pagmamahalan
Tinamaan na nga ng iyong kidlat

Nananalangin sa tuwing bumubuhos
Tangayin sana ng hangin ang mga halik
Na s'yang inaasam ng ating mga labi
Maramdaman sana ang mga haplos
Na ‘di kayang ipaabot ng ating palad

Pananabik ay lalo lamang tumitindi
Kahit ilan pang bagyo ang dumaan
Maghihintay kahit ga'no katagal
Kung makikita pagtila'y bahaghari
At sa dulo nito'y ikaw
Nadarama kaya ang init ng pag-ibig
sa kabila ng panlalamig ng panahon?
KRRW Aug 2018
Hindi na natapos ang bagyo
At muling bubuhos ang ulan
Hindi na natapos ang araw
Hanggang masunog ang kalangitan.


Walang patid ang hangin
Lahat ng bagay ay kayang liparin
Rumaragasa ang tubig
Ngunit walang luhang kayang pawiin.


Hinahanap pa rin ang umaga
Kahit tanghali ay lipas na
Hinahanap pa rin ang liwanag
Humupa man ang sakuna.


Gumuguho pa rin ang lupa
Tinatabunan ang nakaraan
Gumuguho pa rin ang bundok
Gumuguho rin ang kapatagan
Gumuguho ang mga burol
Gumuguho ang mapupurol
Matalim man ay guguho rin
Pasusukuin ng suliranin.


Gumuguho ang lahat
Gumuguho sa bandang huli.


Hindi na natapos ang pagkawasak
Bumabagsak ang tulay na puno ng bitak.


Hindi na natapos ang paglisan.
Basa pa ang libingan,
May ihahatid muli sa himlayan.


Hindi na natapos ang unos
Delubyo sa gitna ng buhawi
Lindol sa gitna ng tagtuyot
Hinagpis sa gitna ng pagkamuhi.


Panaghoy sa dulo ng pagkasawi.


Dito na lang ako sa lilim
Kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim
Magkukubli sa isang sulok
Hanggang lamunin ng alikabok.


Hindi na natapos ang gabi
At tumigil ang orasan
Hindi pa tapos ang bagyo
Ay bumubuhos muli ang ulan.
Written
12 August 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
madrid Oct 2015
Para sa ulap na di ko maabot
Para sa pasang di magamot-gamot
Para sa halik na di malilimutan
Para sa akalang hanggang akala nalang

Para sa ibong di makalipad
Para sa pangarap na di ko matupad
Para sa bukas na di ko na masilayan
Para sa ating hanggang ikaw at ako nalang

Para sa bagyong di matapos-tapos
Para sa hawak na nagmumukhang gapos
Para sa panaginip na di ko mabitawan
Para sa sanang hanggang sana nalang
This one's for you.

— The End —